Huwebes, Agosto 23, 2012

Mga Indibidwal na Mensahe sa MMVA, Blg. 6-10


6. Mula kay Kagawad Ding Manuel ng Brgy. 52, Caloocan City

"Pagpupugay sa ika-10 anibersaryo ng MMVA! Saludo ako sa mga manininda na kasapi ng organisasyon at lahat ng tindera't tindero. Hanga ako sa sipag at tiyaga para sa kaunting tubo para maitaguyod ang kabuhayan ng pamilya at ng bayan. Mabuhay kayo! Kayong ang tagapagtaguyod ng ekonomya ng maliliit na negosyante na hindi nagsasamantala, di tulad ng mga kapitalistang ganid sa tubo.

7. Mula kay Cecilia K. Asis, auditor ng KPML-NCRR chapter

"Bilang isang karaniwang mamimili, malaki ang tulong ng mga vendors sa lipunan, lalo na sa maralita. Pwede ka ba bumili ng tingi o tumawad sa paninda sa SM o sa Robinsons? Natural hindi. Sa pamamagitan ng mga vendors, ang kakarampot mong pera ay mapagkakasya mo kung halimbawa magluluto ka ng gulay, pwede mo makumpleto ng paisa-isa. May tawad na, may dagdag pa. Sa mga ambulant vendors naman, laking ginhawa ng mga maybahay dahil sa pag-iikot nila sa komunidad, di na kailangang iwanan ang gawaing bahay para mamalengke.

Karapatan nila ang maghanapbuhay. Marangal na gawain iyon lalo na kung nagpipilit ka na maitawid sa gutom ang pamilya. Sa kanilang anibersaryo, "Mabuhay kayo!"

8. Mula kay Sandy Bengala ng Sanlakas

"Bilang isang ordinaryong mamamayan, ang MMVA ay malaki ang naitutulong sa mga maralitang manininda upang magkaroon sila ng permanenteng kabuhayan, upang masuportahan nila ang pang-araw-araw na gastusin, at masuportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak."

9. Mula kay John Pajares ng KPML / ZOTO

"Sa aking pananaw bilang isang pangkaraniwang mamimili sa mga vendors ay isa silang bahagi ng uring manggagawa. Dahil sila ay nagtatrabaho upang ipangtustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Ngunit sila ay patuloy na nilalapastangan ng ating pamahalaan at pilit na tinataboy sa mga bangketang kanilang pinagtitindahan. Kaya para sa akin ay suportahan natin ang ating mga kapwa maralitang vendor sa pakikibaka at pagsulong ng kanilang magandang layunin sa kapwa nilang mga vendor."

10. Mula kay Mauro Taberna ng KPML-NCRR

"Ang vendor ay isang maliit na manininda na makikita natin sa mga lansangan at sidewalk. Sila ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan. Ito ay makikita natin kahit saan. Sa loob ng bus, sa mga kalsada at pasilyo. Sila ang mga inaapi ng ating mga gobyerno dahil sa pakalat-kalat sila sa daan. Ang masasabi ko sa MMVA ay ituloy ang laban para sa pagkamit ng ating tagumpay.

Para sa MMVA, mabuhay ang ating organisasyon at tuloy-tuloy na pagmulat sa mga kasama para matagumpay ang ating pagsulong sa mga karapatan at hustisya."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento