Huwebes, Agosto 23, 2012

Mga Indibidwal na Mensahe sa MMVA, Blg. 1-5


1. Mula kay Ms. Pohlie C. Hernandez ng Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER Federation)

"Ang mga vendor sa aking pananaw ay mga kasamang manggagawa. Sila ang tinatawag na nasa Underground Economy. Kung minsan, ang mga vendor ay ginagawang gatasan ng mga korap na pulis. Hinihingan ng lagay at biktima ng human rights violation. Ang mga vendor ay walang siguradong kita. Bakit? Kasi aangkat sila ng mga paninda sa mataas na halaga tapos babaratin naman ng mga mamimili. 

Dapat lang na palakasin ng mga vendor ang kanilang organisasyon upang maipaglaban ang mga lehitimong karapatan. Ipagtanggol ang hanapbuhay at hindi maging biktima ng kotong. Mabuhay ang MMVA!"

2. Mula kay Marissa A. Legalig ng Navotas chapter, BOD - KPML/ZOTO

"Dapat na ipaglaban ng mga vendor ang kanilang karapatan bilang tao, at isa rin silang nakikibaka o nakikipaglaban para sa kanilang hanapbuhay upang itaguyod ang kanilang pamilya. Hindi sila mga busabos na basta na lang paaalisin sa kanilang mga pwesto na kung saan sila nagtitinda. Kaisa rin natin silang nakikibaka para sa karapatan ng mamamayan, maralita, isa ring uring manggagawa."

3. Mula kay Erlinda Sapiandante ng Sanlakas, taga-Baesa, QC

"Dama ko ang hirap ng isang vendor. Ako man ay isa sa kanila. Madaling araw ka gigising, mamalengke, mag-apura ka palagi, hinahabol mo oras para kumita at makabenta, pambayad sa mga utang, gaya ng upa sa pwesto, hulog sa puhunan, at ang iba naman sa kaunting puhunan, lalagay sa bangketa, dadamputin ng pulis / MMDA. Kawawa talaga. At alam natin ang vendors ang siyang may malaking ambag sa ating bansa, sa pag-usad, wag lang silang magnakaw, at makagawa ng masama." 

4. Mula kay Jilbert Rose ng Teatro Proletaryo, taga-Navotas

"Ang isang vendor sa bangketa ay isang marangal na trabaho para sa akin. Ito ay malinis, makatao at walang nilalabag na batas. Naghahanap ka ng pangkain sa pamilya, pero bakit sila inaalis sa bangketa at hindi lang basta inaalis. Kinukuha pa ng mga MMDA ang kanilang paninda at winawasak ang mga kariton o patungan ng paninda nila. Ito ay hindi makatao. Ito ay paglabag sa karapatang pantao. Pinaghirapan nila ang puhunan ng paninda nila. Masama bang maghanapbuhay ang mga vendor sa lansangan? Gusto ata nila e magnakaw na lang ang mga tao, kagaya nila sa gobyerno!"

5. Mula kay Eric P. Ocap ng Piglas-Kabataan (PK), taga-Malabon

"Para sa akin, ang pagiging isang vendor ay isang "uring manggagawa" na gumagawa at lumilikha ng tubo para sa kita ng mga kapitalista. Bilang isang mamimili, ang masasabi ko para sa mga vendor... naiipit sila kapag may nagaganap na pagbabago sa mga presyo ng bilihin dahil sila ay mga negosyanteng maralita na walang kakayahan para tustusan ang mga kakulangan nila bilang vendor. Huwag po kayo magsasawa na lumaban at ipaglaban ang inyong mga karapatan hangga't hindi ninyo nakakamit ang mga benepisyo at iba pa, na dapat ninyong tinatamasa.

Sa inyong ika-10 anibersaryo, nais ko po kayong batiin sa inyong matagumpay na laban sa nagdaang isang dekada. Nawa sana sa mga darating pang panahon ay magpatuloy pa ang mga tagumpay na inyong nakakamtan. At mula po sa Piglas-Kabataan (PK), kami po ay nagpapahayag ng aming suporta sa kung anuman ang inyong mga ipinaglalaban. Muli, maligayang pagbati sa inyong ika-10 anibersaryo."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento