MENSAHE NG PAKIKIISA
ni Cong. Augusto "Boboy" Syjuco sa okasyon ng Metro Manila Vendors Summit
30 Agosto 2002, UP Chapel, Diliman, Quezon City
Isang makabuluhang pagbati at pagsaludo sa sektor ng manininda at maralitang tagalunsod.
Nito pong mga nakaraang linggo at araw ay nasaksihan natin at naranasan ang sunod-sunod na atake sa hanay ng mga maninida, isang atake ng paglabag sa karapatang pantao at karapatan sa paghahanapbuhay ng mga maliliit nating kababayang biktima ng patuloy na kahirapan. Sa kasalukuyan po, mga kasama, ay nakatanggap tayo ng report na ang mga kapatid nating manininda sa Caloocan at Cubao ay dumaranas ng atake at pandarahas mula sa mga tauhan ng MMDA. Sobra na po ito, mga kasama.
Binabanggit sa ating Saligang Batas, Article XIII, hinggil sa Social Justice and Human Rights: "The promotion of social justice shall include the commitment to create economic opportunities based on freedom of initiative and self-reliance." Ang nagaganap ngayon, mga kasama, ay malinaw na paglabag sa probisyon na ito ng Saligang Batas, sa halip na lumikha ang gubyerno ng sinasabing "economic opportunities" - winawasak pa ng mga opisyales at ahente nito ang inisyatiba ng mga maliliit na manininda na maghanapbuhay sa legal na pamamaraan.
Si Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay mukhang tuliro at naguguluhan sa kanyang bagong tungkulin. Sa kanyang kagustuhan na linisin at paluwagin ang mga pangunahing lansangan at ayusin ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan, wala itong pakialam kung masagasaan man ang karapatan ng mga maliliit na manininda, na pilit na gumagawa ng paraan upang magkaroon ng kahit kaunting pagkakakitaan para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.
Nakalimutan na yata ni Chairman Fernando na tayo ay may umiiral na mga batas na dapat kilalanin at sundin lalo na ng isang opisyal ng gubyerno. Sa patakaran ni Chairman Fernando na linisin at itaboy ang mga "street vendors", nalabag niya ang Executive Order No. 452 na nagbibigay ng guidelines para sa proteksyon at seguridad sa mga manininda, at ang Implementing Rules and Regulation nito, nilabag din niya ang Revised Penal Code, Rules on Criminal and Civil Procedure at ang mismong Saligang Batas - ipinatutupad nito ang isang marahas, di makatao, "arbitrary" at ilegal na aksyon at pamamaraan laban sa mga manininda sa kalsada - kung susumahin, ang aksyon ni Bayani Fernando ay isang pagpapataw ng kaparusahan ng walang paglilitis o "due process". Hindi lahat ng kaparaanan ay wasto para makamit lamang ang isang layunin - "the end does not always justify the means".
Muli ko pong lilinawin, tayo po ay hindi tutol sa layunin na ayusin at linisin ang mga pangunahing lansangan, subalit hindi sa ganitong makahayup, maka-Hitler at barubal na paraan. Ang ano mang patakaran o batas ay dapat dumaan sa isang konsultasyon at maging katanggap-tanggap sa mga apektadong sektor o bahagi ng lipunan.
Ang mga manininda sa kalsada ay kinikilala ng Executive Order No. 452 bilang bahagi ng pinakamahirap na sektor sa ating lipunan, at kabilang sa bumubuo ng tinatawag na "disadvantage workers" sa impormal na sektor. Ang mga manininda sa kalsada ay mga mararangal at tapat na tao na naghahangad lamang na lumikha ng kanyang ikabubuhay sa gitna ng lumalalang krisis at hirap ng pamumuhay. Sila ay walang malaking puhunan, walang pang-ipa ng pwesto sa palengke, itinitinda kahit anong pwedeng itinda na kailangan ng mga mamimili at kadalasan ay biktima ng 5-6 at pangongotong ng mga tiwaling tauhan ng pulisya at pamahalaan. Sa katotohanan, malaki ang naitutulong ng mga manininda sa kalsada sa mga mamimili o konsyumer na naghahanap ng murang bilihin upang pagkasyahin ang kanilang maliit na badyet.
Nasaan ngayon ang katwiran at katinuan ni Chairman Bayani Fernando para sabuyan ng gaas, silaban, glilingin at iba pang anyo ng pangwawasak sa mga produkto at pagkain na pinapakinabangan ng karamihan sa ating mga mamamayan?
Ako po ay nagsampa ng House Resolution sa Kongreso upang imbestigahan ang marahas at ilegal na aksyon ng MMDA laban sa mga manininda sa kalsada at isang House Resolution na humihingi ng interbensyon o pakikialam ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa sitwasyon upang mahinto ang isinasagawang atake ng MMDA sa hanapbuhay ng mga manininda sa kalsada. Isang House Resolution din ang aking pinapipirmahan sa aking mga kasamahan sa Kongreso upang tulungan ang mga biktima at na-displaced na mga manininda sa pamamagitan ng kontribusyon na magmumula sa kanilang mga sahod. Nakahanda rin po tayo na gumawa at magpanukala ng isang batas, isang Magna Carta of Street Vendors kung kinakailangan, na magbibigay ng kumprehensibong karapatan at proteksyon sa sektor ng mga manininda.
Ang mga manininda sa kalsada ay matagal ang naghihintay ng pagkilala, proteksyon at seguridad na ibibigay ng pamahalaan. Ang E.O. 452 ay dapat bigyan ng pangil upang maipatupad nang lubusan at kailangan din ng iba pang mga batas na magbibigay ng proteksyon at solusyon sa kasalukuyang kalagayan na kinakaharap ng mga manininda.
Ang ginagawa ngayon ni Bayani Fernando ay naglantas sa isang nakakaawa at masamang kalagayan ng mga manininda sa kalsada. Ang pekeng bayani ay nagpatotoo at nagbigay-buhay sa mga tunay na bayani ng ating mga pamilya at ekonomya - ang mga maliliit na manininda. Ito na ang tamang panahon upang kilalanin ang ating sektor. Ito na ang panahon upang soliduhin ang ating hanay!
MABUHAY ANG SEKTOR NG MANININDA! MABUHAY ANG MARALITANG TAGALUNGSOD!
WALANG TAKOT...LABANAN NATIN!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento