BAYANIFERNANDO: PUMESTE SA MGA MALILIIT NA MANININDA
ni Teddy Pasion
Nalathala sa Tinig ng ZOTO, ang opisyal na pahayagan ng Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Mayo-Oktubre 2002, p. 6
Noong Oktubre 14, 2002 habang naghihintay ako ng masasakyang dyip sa Quezon Blvd. sa tapat ng Sto. Domingo Church ng biglang lumitaw ang mga tauhan ng MMDA at mga pulis lulan ng isang trak. Walang kaabog-abog na nilapitan ang mga maliliit na manininda at walang awang pinaghahampas ang mga panininda at mga kagamitan ng mga ito. Sa kabiglaanan sa pangyayari, tumakbo ang mga vendors at nahiwalay sa kanilang mga kagamitan at panininda, sabay dampot naman ng mga MMDA at mga pulis sa panininda para isakay sa trak. Habang takot na takot na pinagmamasdan ng mga vendors ang kanilang mga kagamitan at panininda na hinahakot ang isang mama naman na malaki ang tiyan na parang butete na malamang na team lider ng MMDA ay panay ang pagmumura at pagbabanta sa mga manininda. Malamang sa isip-isip ko na ang mga paninindang ito ay dadalhin sa isang lugar para sabuyan ng gasolina at sunugin.
Nagtataka ako bakit ginawa sa mga vendors na ito na nagtitinda sa gilid ng building na sira sa Quezon Blvd. at sa gilid ng Sto. Domingo ang malahayup na pandarahas samantalang bata pa lang ako ay nakikita ko na silang nakapwesto doon at hindi naman sagabal sa daloy ng transportasyon at kilos ng mga tao.
Wala na sa katwiran itong pinaggagagawa ni MMDA Chairman Bayani Fernando sa maliliit na mga maninindang ito. Tulad ng marami pang mga vendors sa kalakhang Maynila ay nakakaranas din ng ganitong klase ng karahasan sa pamahalaan ni Gloria Arroyo at ng kanyang tagapangasiwa ng MMDA na si Bayani Fernando dahil lang sa kapritso na linisin at pagandahin ang Metro Manila at igaya sa bayan ng Marikina. Kesehodang maubos ang puhunanan at mawalan ng hanapbuhay ang libo-libong maliliit na manininda sa gilid ng lansangan.
Bakit sobrang karahasan ang ginagawa ni BF sa maliliit na manininda samantalang ang mga ito ay nabubuhay naman sa pagpapawis at ligal na paraan para makaraos sa araw-araw para mabuhay. Hindi ba pwedeng idaan ito sa isang maayos na pag-uusap o negosasyon para humanap ng solusyon at alternatiba para sa mga manininda na tulad ng ginagawa ng ilang alkalde sa Metro Manila. Tama ba na ang solusyon ni Bayani Fernando sa usapin ng mga vendors ay ang mala-Hitler na aksyon? Na ito ay mangahulugan ng matinding karahasan at pagkawala ng pagkakakitaan para mabuhay ng marangal ng mga manininda?
Marahil ito ang sinasabi ni Gloria Macapagal Arroyo at Bayani Fernando na nagpapairal ng isang strong republic o malakas na pamahalaan. Ang walang pakundangan na paglapastangan sa karapatan ng maliliit na mga mamamayan at paggamit ng kamay na bakal kung matitigas ang ulo at lumalaban.
Ang isakripisyo ang kapakanan ng libo-libong maliliit na mga tindero at tindera para lamang interes ng kaayusan at pagiging kumbenyente ng ilang mga mayayaman. Tulad din na isinakripisyo ni Gloria ang milyon-milyong manggagawa para bigyang-daan ang globalisasyon na nagreresulta ng pagkawala ng hanapbuhay at ibayong kahirapan sa mamamayan para lamang sa interes ng mga dambuhalang kapitalista.
Pagkatapos na mapulbos ang mga manininda sa lansangan, ang isusunod naman ay ang demolisyon sa daan-daang libong maralita na nakatira sa mga estero, riles ng tren at mga lupaing publiko. At syempre, tulad ng istorya ng mga vendors, patitikimin din ang mga maralita ng kamay na bakal ni BF sa anyo ng strong republic para lamang sa layuning matanggal ang mga maralita sa Punong Lunsod.
Sa sistema ng umiiral na lipunang ito, walang puwang para mabuhay ang mga mahihirap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento