METRO MANILA VENDORS SUMMIT
Agosto 24, 2002
___________________
___________________
___________________
Minamahal naming _____________,
Mainit na pagbati!
Di kaila sa atin na nitong buwan ng Agosto, sunud-sunod ang panggigipit sa hanay ng maliliit na manininda sa buong Kalakhang Maynila. Ang mga kaganapan ay bunga ng naging hakbangin ng MMDA na pinamumunuan ni G. Bayani Fernando na linisin ang bangketa sa Kamaynilaan at maisaayos daw ang daloy ng trapiko. Iba't ibang porma ng panggigipit ang nararanasan nating maliliit na manininda mula sa kompiskasyon ng paninda, panghuhuli at pagkukulong, panunutok ng baril, pagmumulta at pandedemolis ng mga pwesto at nitong huli ay ang banta ni Bayani Fernando ng pagsusunog sa mga kagamitan natin sa paninda sa pamamagitan ng pagbubuhos ng gasolina.
Panahon na upang harapin natin ang ating mga problema sa kasalukuyan. Manindigan tayo at magkaisa para labanan ang panggigipit sa atin at mapalakas ang ating hanay upang kumilos para maipagtagumpay ang ating mga panawagan at kahilingan.
Magagawa lamang natin ito kung tayo ay magtipon-tipon at magtalakayan para maunawaan at maipwesto ang ating mga posisyon at kahilingan. Kailangan nating itayo ang isang malakas na pormasyon ng mga maliliit na manininda sa Kalakhang Maynila upang marinig ang nagkakaisang boses at makapagbalangkas ng komprehensibong solusyon sa ating mga problema. Ito lamang ang tanging sagot sa nagbibingi-bingihang pinuno ng MMDA.
Kaya't ninanais naming imbitahan kayo sa Agosto 30, Biyernes, mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon upang dumalo sa pangkalahatang pagpupulong ng lahat ng mga lider ng mga maliliit na manininda sa buong Kalakhang Maynila. Gaganapin natin ito sa UP Delaney Hall, UP Church of the Holy Sacrifice.
Dahil sa tinatayang lalaki pa ang posibleng delegasyon ng mga lider ng mga maliliit na manininda, maaari naming ipaabot sa inyo ang kompirmasyon sa pagpipinal ng lugar dalawang araw bago ang Biyernes.
Inaasahan namin ang inyong pagdalo.
Mangyari po lamang na makipag-ugnayan sa task force summit para sa kumpirmasyon ng inyong pagdalo, hanapin sina Tita Flor o Teody sa telepono 4338377 o 4359528.
G. Pedring Fadrigon
Samahan ng Maralitang Nagkakaisa sa Fabella, Mandaluyong
Gng. Filomena Panti
Philcoa Vendors Association
G. Allan Gayoso
Mandaluyong-Kalentong Vendors Association
Gng. Linda de Torres
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento