Huwebes, Enero 25, 2018

Solidarity Message sa BMP Congress

MENSAHE NG PAKIKIISA NG METRO MANILA VENDORS ALLIANCE (MMVA) 
SA IKA-8 KONGRESO NG BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO

Isang taos-puso at taas-kamaong pakikiisa ang ipinaaabot ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) sa Ikawalong Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)!

Kami, mga sidewalk vendors, kumakatawan sa malaking bilang ng maliliit na manininda sa mga bangketa, ay mahihirap. At dahil sa kahirapang ito, kami ay naobligang sumuong sa isang klase ng hanapbuhay na sa tingin namin ay marangal ngunit karaniwang kami'y hinahabol na para bagang hindi makatao ang pagtitinda. Kung hindi dahil sa kahirapan, hindi kami magtitiis magbilad sa araw at magpuyat sa magdamag, sumuong sa iba't ibang klase ng panganib at pang-aabuso mula sa kamay ng sindikatong pulisya at mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, mapagdugtong lamang ang aming buhay sa araw-araw.

Kung hindi dahil sa kahirapan, sana'y mas marangal naming binubuhay ang aming mga pamilya at sanay nakapag-aambag ng kontribusyon sa pormal nating ekonomya gaya ng iba pa naming kababayan na nakakaangat sa buhay. Ganunpaman, hindi maikakaila ang katotohanan na kung hindi dahil sa impormal na industriyang ito, sana'y mas higit na mabigat ang pasaning problema ng ating bansa. Dahil sa aming bahaging kontribusyon sa tinatawag na underground economy, na ayon sa mga ekonomista, ay kumakatawan sa halos 30% hanggang 40% ng ating Gross Domestic Product (GDP), nagagawang makaraos ng ating ekonomya sa kabila ng malaking kapabayaan ng pamahalaan. Kung hindi sa aming pagtitiis at pagtityaga sa ganitong hanapbuhay, mas lalo sanang lumobo ang unemployment rate sa bansa na sa ngayon ay umaabot na sa limang milyon.

Noong Agosto 30, 2002, kasamang nagtayo sa Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). At kasama namin ang BMP sa aming mga pakikibaka hanggang ngayon. Kaya kaming mga nasa impormal na sektor ay mahigpit na nakikiisa sa mga manggagawang Pilipino sa lahat ng pakikibaka nito para sa isang lipunang makatao.

Nawa'y patuloy tayong magkaisa lalo na't tumitindi ang kalagayang pampulitika sa ating bansa, lalo na ngayong pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa bagong batas na TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion), at samutsari pang problema lalo na ang paglabag sa karapatang pantao.

Mabuhay ang Ikawalong Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)!

- Mula sa pamunuan at mga kasapi ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento