Biyernes, Mayo 3, 2013

Pagtitinda ay Ikarangal, Karapatan ay Ipaglaban

PAGTITINDA AY IKARANGAL, KARAPATAN AY PAGLABAN!
ni Valentino de Guzman

Ang pagtitinda o pangangalakal ay isa na sa pinakamatandang anyo ng paghahanapbuhay. Ang pagpapalitan ng mga produkto ng bawat tao sa loob ng isang komunidad ay laganap na maging sa mga unang yugto pa lamang ng kasaysayan.

Sa paglipas ng panahon at sa patuloy na pag-usad ng lipunan, iniluwal ng kasaysayan ng komersyo ang isang itinakdang lugar na nagsilbing sentro ng kalakalan - ito ang pamilihan o merkado.

Sa kasalukuyan sa iba't ibang panig ng daigdig ang pamilihan ay nagkaroon ng magkakaibang anyo, subalit pare-pareho pa ring pinagagalaw ng prisipyo at mekanismo ng pagkita o makakuha ng tubo sa bawat kalakalan na nagaganap.

Sa laganap na pang-ekonomikong anyo ng mga lipunan sa daigdig ang pwersa ng pamilihan ay maituturing na maimpluwensyang lakas sa pagpapanatili ng kasalukuyang kaayusan. Isang kaganapan na nagbubunsod sa mga gobyerno at pamahalaan upang ito ay protektahan at panghawakan ng mga nanunungkulan.

Sa Pilipinas na isang mahirap na bansa makikita ang isang matingkad na anyo ng ating mga merkado. Tulad ng orihinal na konsepto, ito ay binubuo pa rin ng mga tao na nagpapalitan ng mga kalakal ng mga manininda at mamimili.

Subalit sa kasalukuyan sa ating bansa ay may klasipikasyon na itinakda sa hanay ng mga manininda. Ito ay ang pagkakaroon ng mga legal at iligal na manininda. Kataka-taka na ang merkado na nagsimula at nakabatay sa malayang partisipasyon ng mga indibidwal ay nagluwal kalaunan ng ganitong pagkakahati.

At ito ay bunsod ng pagtatakda ng gobyerno sa kung sino ang may karapatan at ang karapatang ito ay nakabatay sa kung sino ang may kakayanan. Ang isang Juan na walang kakayanan na magbayad ng mga bayaring ipinapataw ng pamahalaan ay wala na ngayong karapatan na magtinda at maaari siyang parusahan sa sandaling ipagpilitan nya ang makapagtinda dito.

Sa araw-araw, ang mga manininda ay laman ng mga lansangan, nakabilad sa gitna ng init ng araw at nagbabakasakali na may maibenta upang maitustos sa pang araw-araw na pangangailangan. Di alintana ang panganib at posibilidad na mapaalis sa kanilang pinagtitindahan.Mga manininda na ang tanging kasalanan, kung ito nga ay isang kasalanan, ay ang kawalan ng kakayanang magbayad sa mga matataas na bayaring itinatakda ng pamahalaan.

Mga manininda na dahil sa ganitong mga patakaran ay nagiging biktima ng pangingikil ng mga ilang elemento ng kapulisan na nagsasamantala sa kanilang pangangailangan na makapagtinda sa bawat araw. Sapagkat ang isang araw na pagliban ay nangangahulugan ng pagkalam ng mga sikmurang umaasa sa kanila.

Mga manininda na dumaranas ng pandarahas sa tuwing di sila makapabayad sa mga “tong” na sa kanila ay kinukuha. Pandarahas na umaabot di lamang sa pisikal na pananakit kundi sa aktwal na pagkawala at pagkasira ng kanilang mga paninda at gamit sa pagtitinda sa tuwing may mga hulihan. Mga paninda na ang puhunan ay karaniwang inutang lamang at may malaking arawang tubo. Utang na pag di nabayaran ay mangangahulugan ng lalo pang pagkakalubog sa kahirapan at kagutuman.

Ang mga ganitong pangyayari ay laganap at lumalala pa sa bawat araw na nagdaraan.

Para Saan Ang Pagtitipon Na Ito?

Ang pambansang pagtitipon ng mga manininda sa Pilipinas ay naglalayon na maibahagi ang mga karanasan at kalagayan ng mga manininda sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Naglalayon ito na malikom ang mga detalyeng ito upang makabuo ng isang konkretong panawagan sa mga kasalukuyang nanunungkulan sa pamahalaan kung paano mabibigyan ng solusyon ang kanilang mga karaingan. Mga solusyon na di nakabatay sa pananaw lamang ng pamahalaan at iba pang malalaking nagnenegosyo kundi hinalaw at iniangkop sa mga konkretong datos na makakalap sa pagtitipon na ito.

Naglalayon din ang pagtitipon na ito na makapaglabas ng isang manipesto na naglalahad ng mga bagay na pinagkasunduan ng mga dumalong manininda mula sa kani-kanilang organisasyon.

Nilalayon din ng pagtitipon na ito na kunin ang mga konkretong posisyon ng mga kasalukuyang kandidato sa eleksyong ito kaugnay sa kalagayan at kinabukasan ng mga manininda sa bansa. Ilahad ang kanilang pagsuporta at patunayan ito sa pamamagitan ng pagpirma sa mabubuong manipesto.

Higit sa lahat mapatunayan na tayong mga maliliit na manininda ay marangal at produktibong miyembro ng ating lipunan at nararapat na pagkalooban ng makatao, patas at abotkayang karapatan na makapaghanapbuhay sa ating lipunan.

Ano ba ang mga hakbang sa pagpapatupad nito?

Sa ika-9 ng Mayo, magsasagawa ng isang “National Vendors Assembly” kung itatatag ang isang pambansang Alyansa ng mga Manininda. Dito rin babalangkasin at isusulat ang nabanggit na manipesto. Ang pagtitipon din na ito ang magsisilbing isang paghahanda natin sa isa pang mas malaking pagtitipon natin sa darating na ikalawang lingo ng Hulyo.

Sa kasunod na pagtitipong ito, sa “National Vendors Summit” natin babalangkasin ang isang “Magna Carta for Vendors” na maglalaman ng mga konkretong solusyon ng mga usapin nating mga maliliit na manininda. Ang “Magna Carta” namang ito ang siya nating isusulong na maisabatas ng Kongreso at mapagtibay pa ng Senado.

Biang unang hakbang sa prosesong ito, ang “Magna Carta” na ating magagawa ay ating ipepresenta kay Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang gaganaping 2013 SONA sa buwan ng Hulyo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento