Martes, Mayo 7, 2013

Bukas na Liham sa mga Manininda sa Kalakhang Maynila

BUKAS NA LIHAM SA MGA MANININDA 
SA KALAKHANG MAYNILA

Mga kapatid na vendors,

Isang maalab na pagbati! Nawa'y lagi kayong nasa mabuting kalagayan at hindi nagkakasakit.

Itinatag ang Metro Manila Vendors Alliance o MMVA bunsod ng matinding pananalasa, pananamantala at pang-aapi sa mga kapatid nating maliliit na manininda sa panahon ni Bayani Fernando. Hindi tao kung ituring ang mga vendors, kundi hayop na tinatanggalan ng karapatang maghanapbuhay ng marangal. Sa tulong ng grupong SANLAKAS, nagsama-sama ang iba't ibang mga vendors sa Kalakhang Maynila at itinatag ang MMVA noong Agosto 30, 2002 sa Unibersidad ng Pilipinas.

Sa halos labing-isang taon ng patuloy na pag-iral ng MMVA, patuloy ang ating pagkilos upang makamtan natin ang isang maayos, maunlad at mapayapang kalagayan. Nagresulta ito sa maraming mga pagbabago sa buhay ng mga vendors, tulad na lamang sa Lungsod Quezon. Nakipag-ugnayan ang MMVA sa tanggapan ni Mayor Herbert Bautista, kay Tady Palma, at sa lahat ng ahensyang nasa ilalim niya, tulad ng MDAD at Sikap-Buhay. Ngayon ay mayroon nang alternatibong lugar-lakuan (alternative vending site) ang ating mga kapatid na manininda. Ang mga ito'y nasa Philcoa, Brgy. Old Capitol, Brgy. Central, Brgy. San Vicente, harap ng NHA, Lung Center, at kahabaan ng Commonwealth. Naligalisa ang kanilang pagtitinda at hindi na nakikipaghabulan sa mga pulis para lamang marangal na maghanapbuhay. Tumaas ang kita ng ating mga kapatid na vendors at dumami rin ang kanilang mga mamimili dahil maayos at malinis ang kanilang lugar na pinagtitindahan. Kahit papaano'y masasabi nating naresolba rin kahit kaunti ang problema sa kotong at nakapagbahagi pa ang mga vendor ng revenue sa pamahalaang lungsod. Nakapagtayo na rin ang mga vendor ng koperatiba ng masa na nakatutugon sa marami nilang pangangailangan.

Ang mga ganitong tagumpay ay nais nating maulit sa iba pang lugar na maraming vendors na walang katiyakan sa kanilang marangal na paghahanapbuhay.

Mahalaga ang ating pagkakaisa at pagtutulungan, dahil sa pamamagitan nito'y nagiging malakas tayong tinig upang ipagtanggol ang ating mga karapatan, nagkakaisang tinig na yayanig sa mababang kapulungan ng Kongreso, hanggang sa buong bansa. Dahil tayong mga vendors ay tao ring tulad nila, at hindi basahang tinatapakan lamang ng mga trapo o mga tiwaling pulitiko't namumuno sa bansa. Malaki ang ambag natin sa lipunan. Sa lipunang walang maibigay na maayos na trabaho, maayos na pabahay, maayos na kabuhayan sa atin. Sa ngayon, kailangan nating magtulungan upang ilunsad ang isang Vendors Summit bago mag-SONA si Pnoy. Maglulunsad tayo ng mga konsultasyon sa mga vendor sa huling bahagi ng Mayo at sa Hunyo, at ilulunsad ang Vendors Summit sa unang bahagi ng Hulyo. Sa Vendors Summit ay babalangkasin natin at pagtitibayin ang mabubuong Magna Carta for Vendors, na siyang ating ihahain sa Kongreso at sa Pangulo sa SONA 2013. 

Kailangan natin ng isang Magna Carta for Vendors na tayo mismo ang gumawa, at ihahain natin ito mismo sa Kongreso upang matalakay at sa dulo'y maging isang ganap na batas. Nakapaloob sa Magna Carta ang ating mga karapatan bilang tao at bilang vendor na nagtatrabaho ng marangal at nabubuhay sa isang lipunang makatao. Hindi lamang ang kasalukuyang henerasyon ang makikinabang sa batas na ito, kundi ang ating mga anak, mga apo, at ang mga susunod pang henerasyon. 

Abangan nyo po ang aming imbitasyon para sa gaganaping Vendors Summit sa Hulyo. Para sa isang mas malakas na nagkakaisang tinig ng mga maliliit na manininda at para sa tagumpay ng malilikhang Magna Carta para sa ating maliliit na manininda, aasahan po namin ang inyong suporta at partisipasyon. Marami pong salamat. Mabuhay kayo!

Para sa koordinasyon, tumawag kay Tita Flor Santos sa cel# 0916-4815685 o sa opisina ng SANLAKAS Party list, #14 Pawai St., Brgy. Doña Imelda, Quezon City, tel# 4131431, o kay Val de Guzman, kasapi ng secretariat, sa 0919-9657509. Mangyaring bisitahin din ang blog ng MMVA sa http://metromanilavendorsalliance.blogspot.com.


TITA FLOR SANTOS
Adviser/Organizer, Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)
Ikalawang Nominado, SANLAKAS Party List

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento