Linggo, Setyembre 15, 2013

Mensahe ng MMVA sa ika-20 Anibersaryo ng BMP


MENSAHE NG PAKIKIISA
SA IKA-20 ANIBERSARYO NG BMP
Setyembre 14, 2013

Kami, mula sa Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), ay taos-pusong nakikiisa sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-20 anibersaryo ngayong ika-14 ng Setyembre 2013.

Ang mga vendor, o mga maliliit na manininda, ay mga manggagawa sa impormal na sektor. Wala kami sa pabrika at hindi swelduhan ng kapitalista, ngunit nabubuhay rin kami sa pamamagitan ng lakas-paggawa, sa pamamagitan ng aming sariling diskarte upang mabuhay sa lipunang ito.

Nagbebenta kami ng kung anu-anong mapapagkakitaan, lalo na sa bangketa, umaasang sa pamamagitan nito ay makakain kami at ang aming pamilya sa araw-araw. Ngunit dumaan kami sa pagsubok kung saan winawasak ng pamahalaan at sinusunog ang aming mga paninda, gayong nais lang naming mabuhay ng marangal sa pamamagitan ng pagtitinda, mga dukhang maninindang inagawan ng paninda ng pamahalaan, pamahalaang gumutom sa aming pamilya, at yumurak sa aming dangal. Naging dahilan ang krisis na iyon sa aming mga buhay upang kami'y magsama-sama at itayo ang Metro Manila Vendors Alliance noong 2002.

Naging kaisa namin ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa mga labang iyon, lalo na sa paghingi ng katarungan sa mga dukhang manininda tulad namin. Napagtanto naming iisang sadya ang ating pinanggalingang uri kaya dapat tayong magtulungan at magkaisa sa ating mga layunin at paninindigan para sa kagalingan ng higit na nakararami sa ating lipunan.

Mga manggagawa sa pabrika at mga vendor na pawang mga manggagawang impormal ay dapat magkaunawaan at magkaisa tungo sa iisang adhikain pagkat ang ating pagkakaisa ay pagpapalakas ng ating kilusan sa lahat ng panig ng kapuluan. Parehong lakas-paggawa ang ating mga armas upang mabuhay natin ang ating mga pamilya. Ang pagkakaisa natin sa layunin tungo sa pagbabago ay isa nang matibay na pundasyon upang makamit natin ang ating mga adhika.

Sa ika-20 anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, kami pong mga vendor ay kaisa nyo sa pakikibaka para sa isang maayos na patakaran ng pamamahala at lalo na para sa pagtatayo ng isang lipunang pantay-pantay. Kaisa nyo ang buong Metro Manila Vendors Alliance sa tuluy-tuloy na pangangarap, pagkilos at pakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Mabuhay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino! Mabuhay ang mga vendor! Mabuhay tayong lahat!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento