Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Manipesto ng mga Sidewalk Vendors

Manipesto ng Pagkakaisa at Kahilingan
ng mga Sidewalk Vendors sa Kamaynilaan

Kami, mga sidewalk vendors ng Kamaynilaan, kumakatawan sa malaking bilang ng maliliit na manininda sa mga bangketa, ay nagpapahayag ng aming matinding pagkondena sa ginagawang marahas na demolisyon sa amin ng Metro Manila Development Authority (MMDA), sa pangunguna ng Chairman nito na si G. Bayani Fernando. Kami'y lalong nalulungkot anng marinig namin na siya ay buong pagtitiwalang sinusuportahan ng MalacaƱang sa kanyang mga patakaran, kabilang na ang paggamit ng dahas laban sa aming manininda.

Kami ay mahihirap. At dahil sa kahirapang ito, kami ay naobligang sumuong sa isang klase ng hanapbuhay na sa tingin namin ay marangal ngunit nakalulungkot na kinamumuhian ni Chairman Fernando at ng iba pang sektor. Kung hindi dahil sa kahirapan, hindi kami magtitiis magbilad sa araw at magpuyat sa magdamag, sumuong sa iba't ibang klase ng panganib at pang-aabuso mula sa kamay ng sindikatong pulisya at mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, mapagdugtong lamang ang aming buhay sa araw-araw.

Kung hindi dahil sa kahirapan, sana'y mas marangal naming binubuhay ang aming mga pamilya at sanay nakapag-aambag ng kontribusyon sa pormal nating ekonomya gaya ng iba pa naming kababayan na nakakaangat sa buhay. Ganunpaman, hindi maikakaila ang katotohanan na kung hindi dahil sa impormal na industriyang ito, sana'y mas higit na mabigat ang pasaning problema ng ating bansa. Dahil sa aming bahaging kontribusyon sa tinatawag na underground economy, na ayon sa mga ekonomista, ay kumakatawan sa halos 30% hanggang 40% ng ating Gross Domestic Product (GDP), nagagawang makaraos ng ating ekonomya sa kabila ng malaking kapabayaan ng pamahalaan. Kung hindi sa aming pagtitiis at pagtityaga sa ganitong hanapbuhay, mas lalo sanang lumobo ang unemployment rate sa bansa na sa ngayon ay umaabot na sa limang milyon.

Ang di namin maintindihan ay bakit sa halip na kilalanin ang kontribusyon naming ito, kami ay sinisingil sa mabigat na kasalanang walang ibang ugat kundi kahirapan. Kami'y inuusig at pinarurusahan sa tanging dahilan na kami'y lumalabag sa mga batas at alituntunin ng kaayusan sa Kamaynilaan.

Aaminin naming kami'y may nalalabag na mga batas sa proseso ng aming paghahanapbuhay. Pero ito ay hindi sinasadyang paglabag. Para sa amin, ito ay nesesidad para kami ay mabuhay. Alam naming mas magandang di hamak at ligtas magtinda sa loob ng palengke, pero ang hamak naming kalagayan ang nagtulak sa amin sa labas hindi dahil ginusto naming labagin ang batas.

Marami rin sa mga mayayaman at nakatataas sa ating lipunan, kung tutuusin, ay may nalalabag ding mga batas, gaya ng mga batas-paggawa, mga batas sa katiwalian at kalikasan. Pero magaan at malambot ang pagtrato sa kanila ng pamahalaan kumpara sa aming mga mahihirap. Maraming malalaking negosyante ang nandadaya sa buwis pero di nakakaranas ng lupit at dahas ng pamahalaan gaya ng aming nararanasan sa kasalukuyan. Bliyun-bilyong pondo ng gubyerno ay nawawaldas sa katiwalian ng maraming opisyal ng pamahalaan. Pero nasaan ang mga batas? Sa aming pakiramdam, iba ang nakikita naming lupit ng batas sa aming mga mahihirap kaysa sa mga mayayaman.

Hindi namin ginagawang dahilan ang kahirapan para labagin ang batas gaya ng sinasabi ni Fernando. Ang hinahanap namin kay Chairman Fernando ay tratuhin niya kami bilang mga tao na may dignidad. Hindi kami kriminal, lalong hindi krimen ang aming paghahanapbuhay.

Hindi kami tutol sa progreso at kaayusan, pero sana sa pagsasaayos nito, tiyakin ng pamahalaan ang hustisyang panlipunan. Walang saysay ang anumang progreso na nakatuntong sa ibabaw ng kaapihan naming mga mahihirap. Sa ganitong batayan, ipinaaabot namin sa MMDA at sa Pambansang Pamahalaan ang aming mga sumusunod na kahilingan:

1. Itigil ang demolisyon sa sidewalk vendors sa Kamaynilaan hangga't hindi nakakahanap ng komprehensibong solusyon ang MMDA, Lokal at Pambansang Pamahalaan sa dislokasyong idudulot ng proyekto sa aming maliliit na manininda;

2. Absolutong ipagbawal ang paggamit ng dahas, sa anumang paraan, laban sa mga sidewalk vendors. Daanin ang resolusyon ng problema sa negosasyon hindi sa pamamagitan ng pwersa at dahas ng pamahalaan;

3. Sa halip na paglipol sa pamamagitan ng dahas at "ubusan ng kapital" na patakaran ang pairalin, dapat tumulong ang MMDA, mga Lokal at Pambansang Pamahalaan sa pag-oorganisa ng mga sidewalk vendors. Naniniwala kami na sa pamamagitan ng malakas na organisasyon ng mga vendors at bukas na ugnayan sa otoridad, mas madaling maipapatupad ang kaayusan ng walang nasasaktan.

Sa ganitong paraan namin nakikitang malulutas ang hidwaan sa pagitan naming sidewalk vendors at ng MMDA. Pag-uusap, hindi digmaan.

Kung ang mga armado at rebeldeng grupo sa bansa ay kinakausap ng gubyerno sa pormal at respetadong paraan, bakit kaming mga manininda ay di magawang kausapin ni Chairman Fernando at bigyan ng oportunidad na makalahok sa pag-uusap at makatulong sa paghahanap ng solusyon sa problema? Kailangan pa bang kami ay mag-armas din para kami'y kausapin? Kailangan din ba naming magrebelde para daanin din ng gubyerno sa negosasyon ang aming mga karaingan?

Kaiba sa sinasabi ni Chairman Fernando, kami ay handang makipagtulungan sa pamahalaan. Handa kami sa anumang pag-uusap. Pero kung sa kabila nito ay magiging matigas pa rin ang puso niya sa amin, wala nang natitirang opsyon sa amin kundi ang lumaban at ipagtanggol ang aming kabuhayan.

MMVA
Metro Manila Vendors Alliance
Agosto 30, 2002
University of the Philippines
Diliman, Quezon City

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento